Saan bang Senior High School dapat ipasok ang aking anak?
Marahil ay marami sa inyo ang may mga anak na pinag-aaral sa junior high school ang may ganitong katanungan dahil isa rin ito sa madalas naming matanggap na mga tanong dito sa Happy Talk Interpreting. Tatalakayin natin dito kung ano ang mga uri ng senior high school sa Japan.
Pag-aralan natin kung ano ang iba't-ibang uri ng senior high dito sa Japan.
1) Elite Academic Senior High - Karamihan sa mga estudyante dito ay anak ng mga nasa alta sosyedad mayayaman at matatalino. Karamihan sa mga nagtapos dito ay nakakapasok sa mga national universities, katulad ng University of Tokyo, ang pinakaiginagalang na unibersidad dito sa bansang Japan. Karamihan sa mga ganitong paaralan ay nagbibigay sila ng 6 na taong kurikulum para sa paghahanda sa pagpasok sa kolehiyo. Sa madaling salita, mula sa junior high ay dito na sila nag-aaral. Ang mga mag-aaral dito ay maaaring awtomatikong makapasok sa mga pribadong unibersidad katulad ng Keio University. Ang mga ganitong paaralan ang nakakaakit ng marami sa mga pinakamahuhusay na mag-aaral. Sa mga metro- politan area, kung saan mas marami ang elite academic senior high, ay mas sikat ang mga private school kaysa sa mga public school na matataas ang ranggo. Ang mga magulang na may mataas na pinag-aralan ay nagnanais na maipasok ang kanilang mga anak sa ganitong uri ng private school pagka graduate ng kanilang mga anak sa elementarya pa lamang dahil ito ang mas madaling paraan upang maipasok ang kanilang mga anak sa isa sa mga pinakamahuhusay na unibersidad sa bansa sa pamamagitan ng tinatawag na "escalator system" kung saan hindi na kailangang dumaan pa sa college entrance examination upang makapasok sa mga kilalang unibersidad. Dahil dito pagkatapos ng elementarya ay kailangang makipagpaligsahan ng talino ang mga 12 anyos dahil may entrance exam silang dadaanan para makapasok dito. Sa kabilang banda, ang mga mabababang ranggo na mga private school ay may mahalagang papel sa pagtanggap ng mga estudyanteng hindi nakapasa sa entrance exam sa mga public senior high. Ang kurikulum sa academic senior high ay para maihanda ang mga estudyante sa college entrance exam. Sa mga papasok ng national universities ay kailangang 5 subject ang maipasa at 3 subject naman sa mga papasok ng private universities. Ilan sa mga paaralang ito ang nagbibigay ng mga advanced classes para sa kanilang mga pinakakwalipikadong mag-aaral. Subalit karamihan sa mga academic senior high ay hindi masyadong mahigpit, sapagkat ang pagpasok sa mga mababang ranggo ng kolehiyo , junior college at vocational school ay hindi nangangailangan ng labis na pagsusumikap. Marami sa mga kolehiyo ang tumatanggap ng mga estudyante sa pamamagitan ng rekomendasyon ng paaralang pinanggalingan kung kaya't hindi na kailangang dumaan pa sa college entrance exam.
2) Non-elite Academic senior High School - Ito ang pangkaniwang academic senior high dito sa Japan. Kaunti lamang sa mga estudyante rito ang nakakapasa sa mga prestihiyosong unibersidad kung ikukumpara sa mga estudyante ng elite academic senior high. Ang mga estudyante dito ay ang mga nagnanais na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral hanggang kolehiyo (2 year course / 4 year course). Ngunit sa katotohanan, mas marami ang porsiyento ng mga mag-aaral na napupunta sa mga vocational school na nagtuturo halimbawa ng bookkeping, lengwahe, at computer programming. Nakabase ang ranggo ng bawat paaralan batay sa porsiyento ng mga nakapagtapos at nakapasa sa mga prestihiyosong unibersidad ng bansa. Bagama't may kaunting porsiyento ng mga mag-aaral dito ang nagnanais nang makapagtrabaho pagkatapos ng graduation, karamihan sa mga mag-aaral dito ay kinabibilangan ng mga mag-aaral na nagpaplanong pumasok sa mga hindi makumpetensyang mga kolehiyo, junior college at vocational schools. Marami sa mabababang ranggo ng private academic senior high ang tumatanggap ng mga mag-aaral na bumagsak sa entrance exam sa public at vocational senior high. Ngunit may mga private senior high din na matataas ang ranggo. Ang matrikula sa mga private school ay karaniwang halos triple ang halaga kaysa public school. Ang matrikula sa public school ay tinatayang mahigit kumulang sa ¥460,000. Ang sa private school naman ay humigit kumulang sa ¥1,041,000.
3) Vocational Senior High School - Ang karamihan sa mga pumapasok dito ay ang mga gusto nang makapagtrabaho pagkagraduate ng senior high. Ang iba naman ay nagpapatuloy sa kursong bokasyonal upang dalubhasain ang kanilang natutunan sa senior high. Ang mga mag-aaral ay makakapamili ng mga kurso batay sa gusto nilang maging hanap-buhay pagkatapos ng kanilang pag-aaral katulad halimbawa ng mga sumusunod:
- Commerce - Nagtuturo ng mga kursong business, marketing, accounting at computer programming.
- Technical Subjects - Nagtuturo ng mga kursong civil engineering, electrical engineering, mechanical engineering, information science, chemical engineering, programming at ceramics technology.
- Agriculture - Nagtuturo ng mga kursong agronomy, animal husbundry, at biotechnology.
- Homescience - Nagtuturo ng mga kursong fashion design, fashion business, japanese dressmaking, knitting/handicraft, atbp.
- Nursing - Dito sa Gifu ay iisa lamang ang senior high na may nursing course. Kung mag-uumpisa ang pag-aaral ng nursing sa senior high ay 5 taong pag-aaral ang kailangang batahin ng mag-aaral. Kung pagkatapos ng academic senior high ay saka mag-aaral ng nursing ay 4 na taon naman sa kolehiyo.
- Fishery - Pumapasok dito ang mga estudyanteng nais magkaroon ng natatanging kasanayan at kaalaman sa industriya ng pangisdaan dito sa Japan.
Juku (cram school)
Ang juku ay mga pribadong organisasyong pang-edukasyon. Ang terminong juku ay karaniwang isinasalin bilang "cram school." Maraming malalaking juku, na naghahanda sa mga mag-aaral para sa entrance exams sa senior high at kolehiyo, ang mga ito ay tinatawag na "shingaku juku" (cram school para sa entrance exam), at "yobiko" naman ang tawag sa mga preparatory cram school para sa mga college examination. Sila ay gumagamit ng mga gurong part-time at full-time. Gayunpaman karamihan sa mga juku ay mga tutorial classes lamang na itinuturo ng mga retiradong guro o mga maybahay sa kanilang mga tahanan nang ilang beses sa isang linggo sa hapon pagkatapos ng eskwela o di kaya ay sa gabi. Halos karamihan sa mga mag-aaral sa junior high ay pumapasok sa juku upang repasuhin ang kanilang mga academic subjects at upang mapabuti ang kanilang school performance. Ilan sa mga mag-aaral ang nagpupunta lamang sa juku para makihalubilo, ang iba namang magulang ay pinipilit ang kanilang mga anak na pumasok sa juku sa paniniwalang nakakatulong ito sa kanilang anak para mapabuti ang kanilang performance sa paaralan at tumaas ang tsansa na makapasa sa entrance exam ng paaralang nais nilang pasukan. Sa kabilang dako naman ay may mga magulang na naniniwalang sobra-sobra na ang skedyul at nabibigatan na ang kanilang mga anak. Gayunpaman, itinutulak pa rin nila ang kanilang mga anak sa juku sa layuning makasabay sa mga kaklase nilang pumapasok sa juku, hindi alintana sa kanila ang pagbabayad sa juku na may kamahalan ang matrikula.
Pinupuna ng mga guro ang juku dahil sa mas seryosong pag-aaral ng mga estudyante sa juku kaysa sa paaralan. Karamihan ng mga mag-aaral sa juku ay iniisip na mas masigasig sa pagtuturo ang mga guro sa juku kaysa sa mga guro sa paaralan. Sinisisi din ang juku sa pag-okupa ng malaking bahagi ng oras ng mga estudyante na dapat sana ay sa kanilang sariling tahanan na gugulin. Sa mga metropolitan area naman ay mas kilala ang mga tutors at online classes, lalo sa malalaking lungsod. Kadalasan ay mga estudyante sa kolehiyo ang mga nagtuturo ng mga academic subjects. Ngunit mayroon din namang mga estudyante na nagsisikap mag-aral mag-isa sa kanilang mga tahanan.
Paghahanap ng trabaho ng mga nakapagtapos ng Senior High School
Karamihan sa mga nasa senior high na naghahanap ng trabaho ay gumagamit ng "school Referral System" upang makahanap ng trabaho sa kanilang komunidad, habang ang iba naman ay gumagamit ng kanilang personal networks. Ang mga guro sa vocational high school ay tumutulong sa mga mag-aaral na makahanap ng maayos na trabaho sa mga lokal na kumpanya. Ang mga employer at ang mga paaralan ay nagtutulungan upang ihanap ng maayos at angkop na trabaho ang mga magtatapos ng senior high. Halos karamihan sa gumagamit ng sistemang ito ay nagtatagumpay sa paghahanap ng trabaho. Sa ilalim ng school referral system, ang mga employer na nangangailangan ng mga empleyadong nagtapos sa senior high ay nagsusumite ng recruitment card na nagsasaad ng pangalan ng kumpanya, paglalarawan ng uri ng trabaho, at mga kundisyon sa pagtatrabaho, kabilang na dito ang sahod at mga benepisyo. Ang card na ito ay dumadaan muna sa Public Employment Security Office upang maaprubahan, at saka ipinadadala sa mga paaralan para magamit sa school referral system. Isa sa pinakamahalagang pamantayang itinuturing ng mga employer ay ang academic achievements ng aplikante. Ninanais ng mga employer na makakuha ng mga empleyadong nakapagtapos sa senior high na may mataas na ranggo at may magagandang marka sa academic subjects. Halos karamihan sa mga senior high vocational schools ay may sariling job placement center, kung saan may mga nakatalagang guro na tumutulong sa mga estudyante sa paghahanap ng trabaho habang sila ay nag-aaral pa upang pagkatapos ng kanilang mga pag-aaral ay mayroon na kaagad nakalaang trabaho na kanilang papasukan.
Sa pasukan, buwan ng Abril pa lamang ang mga 1st year sa senior high ay binibigyan na ng paaralan ng mga impormasyon tungkol sa mga trabaho at mga pamamaraan sa job placement center ang mga mag-aaral. Sa mga pagkakataong ito ay pumipili na ang mga estudyante ng ilang kumpanya na nais nilang pasukan, sa pamamagitan ng mga recruitment card mula sa mga kumpanya, at ikinukunsulta nila ito sa kanilang homeroom teacher, mga magulang, at mga kaibigan.
Pagdating ng 2rd year, ang mga guro sa placement center ng paaralan, mga homeroom teacher, at ang dean ay magpapasya kung aling kumpanya ang pinakaangkop para sa kung aling mga mag-aaral, batay sa preperensya ng mga mag-aaral, mga academic achievements, mga extracurricular activities, kalooban ng mga magulang, at family background. kung maraming mag-aaral ang nagnanais makapasok sa isang kumpanya ay ginagamit nila ang academic achievements bilang pangunahing pamantayan upang makapagpasya kung sino sa mga mag-aaral ang makakapasok sa kanilang pangunahing piniling kumpanya. Matapos maisaayos ang mga estudyante sa kani-kanilang angkop na kumpanya ay tinuturuan ng mga guro sa job placement center ang mga estudyante kung papaano kumuha ng mga recruitment exams, at inihahanda sila sa mga job interviews.
Pagdating ng 3rd year, buwan ng Setyembre, ang mga mag-aaral ay kumukuha na ng mga recruitment exams sa mga kumpanyang pinili ng kanilang paaralan para sa kanila. Tinutulungan ng mga guro sa job placement center ang mga mag-aaral na hindi pumasa o hindi nakakuha ng trabaho hanggang sa buwan ng katapusan ng Mayo, 2 buwan makalipas ang graduation. Subalit, pagkatapos ng mga pagkakataong ito, ang mga paaralan ay hindi na maaaring tumulong pa sa mga mag-aaral na hindi pa rin nakakakita ng trabaho.
Sa mga Magulang
Kung ako ang tatanungin, mas mabuting pagsikapan ninyong mapag-aral ang inyong mga anak sa senior dahil mas malaki ang tsansa ng mga nakapagtapos sa senior high na makakita ng maayos na uri ng trabaho kaysa sa mga nakapagtapos ng junior high school lamang. At syempre mas mabuti kung maitataguyod ninyo ang pag-aaral ng inyong mga anak hanggang sa kolehiyo.
Maraming salamat po sa inyong pagtangkilik sa aming blog ng Happy Talk Interpreting. Marami pa po kaming gustong ibahaging mga kaalamang maaaring makatulong sa inyong pamumuhay dito sa Japan. Kung mayroon po kayong mga katanungan ay mangyaring mag-iwan lang po kayo ng mensahe sa ibaba ng blog na ito upang sa mga susunod na pagkakataon ay muling matalakay natin dito.
Happy Talk Interpreting
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento