Biyernes, Abril 29, 2022

Paano ba magpa-aral ng bata sa Japan?



  <script async src="https://pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js?client=ca-pub-3031320731448339"

     crossorigin="anonymous"></script>





Sistema ng Edukasyon dito sa bansang Japan

 

   Marami kaming natatanggap na mga katanungan dito sa Happy Talk Interpreting mula sa mga magulang na may mga pinag-aaral na anak dito sa Japan. At sa layunin naming masagot lahat ng inyong nais malaman ay minabuti naming ipaliwanag sa blog na ito kaysa isa-isa naming sasagutin ang inyong mga katanungan.

   Ang kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Japan ay binubuo ng 6 na taon sa elementarya, 3 taon sa junior high, 3 taon sa senior high, at 4 na taon sa kolehiyo. Nag-uumpisa ang pasukan sa buwan ng Abril at natatapos sa susunod na taon sa buwan ng Marso. Bago pumasok sa Elementarya ang mga bata, karamihan ay pumapasok muna sa kindergarten (yochien) o di kaya ay sa nursery school (hoikuen).


Ano ang tinatawag na Nursery School (Hoikuen)

   Ang nursery school ay isang uri ng daycare center na nakatalaga upang alagaan ang maliit na bata habang nasa trabaho ang magulang o di kaya ay may sakit. Ang mga edad ng bata na tinatanggap at ang haba ng oras ay depende sa nursery school na papasukan. Ang pangkaraniwan oras ay hanggang 8 oras. Mayroon ding mga daycare center na bukas sa gabi at sa araw ng mga pista opisyal. Ang bayad ay depende sa kinikita ng buong sambahayan. Ibig sabihin, kung mababa lang ang sahod ninyo ay mura ang bayad, kung mataas ay mahal ang inyong babayaran. Karamihan sa mga nursery school ay walang school bus, kaya kailangan ninyong ihatid-sundo ang inyong anak.

   Kung nais ninyong ipasok ang inyong anak ay maaari kayong direktang pumunta sa  nursery school na malapit sa inyo. Para sa iba pang mga impormasyon ay mangyaring makipag-ugnayan sa Childcare Division ( Kodomo Hoiku-ka) ng City Hall sa inyong lugar.




 

Ano ang tinatawag na Kindergarten (Yochien)

Sa kindergarten ay tinatanggap ang mga bata magmula sa 3 taong gulang hanggang sa magsimulang pumasok sa elementarya. Karaniwang 4 na oras lamang ang ilalagi ng bata sa kindergarten, ngunit mayroong mga kindergarten na pumapayag na habaan ang oras para sa mga magulang na nagtatrabaho. Karamihan sa mga kindergarten ay may mga school bus, kaya kailangang nasa bahay na kayo bago dumating ang school bus upang hindi sila maghintay. Kung nais ninyong ipasok ang anak ninyo sa kindergarten ay direktang pumunta at magtanong sa kindergarten na malapit sa inyo.

   Mayroong mga lungsod na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga magulang na may mga anak na pumapasok sa kindergarten upang hangga’t maaari ay magpatuloy silang pumasok dito hanggang sa dumating ang panahon ng pagpasok sa elementarya dahil sa kakulangan ng mga daycare centers. Para sa mga karagdagang impormasyon ay makipag-ugnayan sa City Education Policy Division (Shiyaku-sho Kyoiku Seisaku-ka) sa inyong lugar.




Compulsory Education

Ang lahat ng mga magulang at mga tagapag-alaga ng mga batang Hapones ay obligadong papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan magmula elementarya hanggang junior high. Ang mga batang dayuhan ay hindi obligadong pumasok, ngunit maaari silang tanggapin sa mga elementarya at junior high kung nais ninyo silang pag-aralin dito sa Japan.

Taon-taon, ang Board of Education ay nagpapadala ng abiso sa mga magulang ng mga batang dayuhan na nasa tamang edad na para pumasok sa paaralan. Subalit  may mga pagkakataong may mga ilang hindi nakakarating ang abiso sa kanila. Sa mga nagnanais pag-aralin ang inyong mga anak dito ay maaari kayong makipag-ugnayan sa School Guidance Division ng Board of Education (Gakko Shido-ka) sa inyong lugar.

Sa mga papasok ng elementarya, padadalhan kayo ng abiso tungkol sa health checkup ng inyong anak na isinasagawa sa paaralan tuwing buwan ng Oktubre upang matiyak na masiglang makapasok sa paaralan ang bawat mag-aaral. Ang abisong ito ay matatanggap ninyo bandang unang linggo ng buwan ng Setyembre.

Kung sakali mang hindi kayo makakapunta dahil sa anumang mga kadahilanan, ay ipaalam ito sa paaralang nagpadala sa inyo ng abiso at maghanap ng ibang paaralan na naaayon sa petsang maaari ninyong puntahan para sa health checkup ng inyong anak at humingi ng pahintulot sa kanila bago kayo pumunta. Kaya hangga’t maaari para walang anumang maging problema ay sikapin ninyong makatugon sa petsang ibinigay ng paaralang papasukan ng inyong anak. Ang mga petsa ng mga health checkup sa mga paaralan ay maaari ninyong malaman sa paaralang papasukan ng inyong anak. Tandaan lamang po na hindi maaaring hindi dumaan ng health checkup ang inyong anak bago magpasukan.

Makakatanggap kayo ng Admission Notice Postcard pagpasok ng buwan ng Pebrero, na syang katunayan na makakapasok ang inyong anak sa nasabing paaralan. Ang Admission Notice na ito ay kailangan ninyong ipasa sa paaralan sa araw ng enrollment, kaya itago at huwag kalimutang dalhin ito sa araw ng enrollment.



Sa mga lilipat ng ibang paaralan bago dumating ang enrollment

Sa mga papasok o palabas ng lungsod na inyong tinitirahan sa kasalukuyan bago dumating ang araw ng enrollment ay siguraduhin lamang na ipagbigay-alam ito sa paaralang tumanggap sa resulta ng health checkup ng inyong anak upang maipasa ito sa paaralang nilipatan. Kung kayo ay maglilipat matapos nyong matanggap ang admission notice postcard ay muli kayong padadalhan ng admission notice pagkatapos ninyong maiparehistro sa lugar na inyong nilipatan ang inyong bagong tirahan. Kung ang ginawa ninyong paglilipat ay natapat sa spring holidays (haru yasumi) at ilang araw na lang ang pagitan sa araw ng enrollment ay kumuha kayo ng kopya ng Notice of Resident Transfer sa Citizen’s Division (Shimin-ka) sa lugar na inyong nilipatan o di kaya sa pagpasa mo ng resident card transfer. Ipasa ang kopyang ito sa Safety Support Division (Gakko Anzen Shien-ka) sa paaralang lilipatan nang sa gayon ay mabigyan kayo ng admission notice ora mismo.


                              Elementarya (Shogakko)

Ang pagpapa-aral ng bata dito sa Japan ay hindi gawang biro. Kahit na sabihin pa nating ang tinatawag na Compulsory Education, mula elementary (shogakko) hanggang junior high school (Chugakko) ay libre ang entrance fee, matrikula, at maging ang mga textbooks. Ang kailangan lamang bayaran ay ang pagkain sa tanghalian (kyushoku), PE uniform (taisofuku), room shoes (uwabaki), school bag (randoseru), mga gamit sa school projects, at field trips. Halos karamihan sa mga public schools sa elementarya maliban sa PE uniform ay walang uniform sa pagpasok sa eskwela.




Junior High School (Chugakko)

 Ang dapat ninyong paghandaan ay ang pagpasok sa junior high. Para hindi sumakit ang ulo ninyo pagdating ng pasukan ay dapat lamang na hangga’t nasa mababang paaralan pa lamang ang inyong mga anak ay pag-ipunan na at paghandaan ang para sa pagpasok sa Junior High, kung bakit? Dahil sa enrollment pa lamang ay kakailanganin na ninyo ang mahigit kumulang sa ¥100,000, kasama na ang pangwinter at pangsummer na school uniform, school bag, PE uniform na pang winter at pang summer, atbpa. At kung malayo kayo sa school at kinakailangang bisekletahin ay kailangan ninyong bumili ng naaayon sa pinapayagang modelo ng bisekleta at helmet ng papasukang paaralan. Sa iba pang mga impormasyon ay makipag-ugnayan sa School guidance Division (Kyoiku Iinkai Gakko Shido-ka) ng paaralang nais pasukan.

Isa sa paraan upang makaipon ng pera sa pag-aaral ng mga bata ay ang pag-iimpok ng child allowance na ibinibigay ng gobyerno sa mga bata. Maari nyo itong itime deposit para hindi basta-bastang mawithdraw. Ito ay suggestion lamang, ngunit epektibo. Pag-isipan nyo rin po ang insurance.




Private Schools

Mayroon ding mga private schools na maaaring pasukan ng inyong mga anak. Ngunit kailangan ninyong isaisip na dahil private ay mas malaki ang gastusin dito. Kailangan ding dumaan at makapasa sa mga pagsusulit ang mga batang nais pumasok dito. Para sa iba pang mga impormasyon ay mangyaring makipag-ugnayan lamang sa Prefectural Education Promotion Division (Shigaku Shinko / Seishonen-ka) sa inyong Prepektura o di kaya ay sa private school na nais pasukan ng inyong.

 

School Councelors

Sari-saring mga problema ang kinakaharap ng mga estudyante at ng mga magulang sa paaralan maging sa kanilang mga tahanan na maaaring makaapekto sa pag-aaral ng mga bata kapag hindi naagapan. Sa mga kadahilanang ito ay mayroong mga dalubhasang tagapayo o counselor sa bawat paaralan ng mga junior high. Ang mga tagapayong ito ay mga clinical psychologist na maaaring hingan ng payo ng mga estudyante kasama ang magulang ukol sa mga problema.



 

Tawagin nyo na lamang po akong ate Nancy. Isa po akong freelance medical interpreter at translator. 34 years na po ako dito sa Japan. Nais ko pong ibahagi sa ating mga kababayan ang mga mahahalagang bagay na natutunan ko sa pamumuhay ko dito Japan, kasama ang aking buong sambahayan.

Kung mayroon po kayong nais malaman na hindi nabanggit sa artikulong ito ay magcomment lang po kayo sa ibaba ng blog na ito sa comment section upang matalakay natin. Ang susunod po nating tatalakayin dito ay ang tungkol sa Senior High School at mga Vocational Courses na maaaring magbigay sa inyo ng ideya kung ano ang nababagay sa anak ninyo o kung ano ang nais pag-aralan ng inyong mga anak.

Bago ko po makalimutan ay nais ko pong ipaalala sa inyo na kami dito sa Happy Talk virtual Interpreting ay maaaring makatulong sa inyo sa mga problema ninyo pagdating sa pakikipag-ugnayan sa wikang Hapones, sa anumang pagkakataon, oras o lugar gamit ang inyong cellphone sa mababang halaga lamang.

Hanggang dito na lang po muna tayo at maraming salamat po. Nawa po magsilbing gabay ito sa ating mga kababayang nagnanais pag-aralin ang kanilang mga anak dito sa bansang Japan. Ang mga impormasyon pong nakasaad dito ay batay po sa mga ginawang pagsasaliksik at mga naging karanasan ko sa pagpapa-aral ng 2 kong anak dito sa Japan.

 

Happy Talk Virtual Interpreting


<script async src="https://pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js?client=ca-pub-3031320731448339"

     crossorigin="anonymous"></script>




MY NUMBER!! Bakit kailangan natin ito?

Ano ang my "number card System"   📌Una sa lahat ano nga ba ang my number? Ito ay ang 12-digit Social security and Tax Number (tin...