Huwebes, Hunyo 9, 2022

MY NUMBER!! Bakit kailangan natin ito?

Ano ang my "number card System" 


📌Una sa lahat ano nga ba ang my number?
  • Ito ay ang 12-digit Social security and Tax Number (tinatawag din itong individual number) ng bawat mamamayang naninirahan dito sa Japan na sinimulan noong October 2015.
  • Nagtataglay ito ng iba't-ibang mahahalagang impormasyon tungkol sa taong nagmamay-ari nito.
  • Ang sistemang ito ay nagsisilbing panlipunang imprastraktura upang maisaayos ang epektibo at malinaw na "Social Security at Tax System".
  • Ang mga dayuhang residente na nakarehistro bilang (mid-term residents, special, permanent residents, atbp.) ay makakatanggap din ng kanilang mga "Individual Number".   
 

 📌Saan Gagamitin ang "Individual Number"?

  • Kailangan mo itong ipakita sa iyong employer sa paggawa nila ng iyong certificate of employment at withholding tax. 
  • Ipapakita mo rin ito sa mga security firms at insurance companies upang mailagay sa mga legal na dokumentong ginagamit para sa mga pamamaraan ng buwis.       
  • Kailangan mo rin itong ipakita sa Tanggapan ng Pensyon kapag kukunin mo na ang iyong employee pension benefits.
  •  Kailangan mo itong ipakita sa tanggapan ng munisipyo na iyong kinabibilangan sa pagtanggap ng mga welfare benefits.
   

📌 Ano naman ang "My Number Card"?

  • Nakasaad sa card na ito ang iyong "Individual Number" at nagsisilbi itong pagkakakilanlan sa anumang mga pamamaraan na may kinalaman sa "Individual Number". Ito rin ay magsisilbing iyong opisyal na ID card.
  • Maaari kang magdagdag ng electronic certificate sa iyong card, walang bayad at maaari mo itong gamitin sa pagpasa ng mga papeles para sa online tax returns, maging sa deklarasyon ng buwis gamit ang e-tax.
  • Maaari mo ring gamitin ang card para makatanggap ng mga serbisyong inaalok ng lokal na pamahalaan sa inyong lugar (hal.; sa mga pampublikong aklatan, sa pagkuha ng seal registration certificate o "hanko shomei"). Maaari mo rin itong gamitin sa pagkuha ng mga papeles sa munisipyo via convinience store katulad ng Family Register atbp.
  • Ang individual number notification card ay mananatiling may bisa hanggang sa expiration date nito. Ngunit kailangan mo itong isauli kapag natanggap mo na ang my number card.
  • Magagamit mo rin ang "Mynaportal" (application)
  • Ang IC chip ng My Number Card ay naglalaman ng mga sumusunod na impormasyon:
  1. Iyong pangalan 
  2. Iyong tirahan
  3. Araw ng iyong kapanganakan
  4. Iyong kasarian
  5. Iyong Individual number
  6. Electronic certificate (maaaring idagdag kung kinakailangan)
  7. at ng iba pang impormasyon na nakasulat mismo sa card
  • Maliban sa mga nabanggit sa itaas ay walang itatalang personal na impormasyon na lubos na sensitibo, katulad ng iyong kinikita o sahod.


💣Babala:

 📌 maging maingat sa paggamit ng My Number 

  • Walang sinumang pinahihintulutang mangalap ng individual number maliban na lang kung ito ay pinahintulutan ng batas.
  • Papatawan ng parusa ang sinumang mangangalap ng individual number ng ibang tao nang labag sa batas. Maging ang mga taong awtorisadong mangasiwa ng individual number ay bawal maglabas ng kahit na anong impormasyon tungkol dito sa third party.
  • Dapat ding tandaan na ang "My Number Card" ay may expiration date, at hindi na ito maaaring gamitin kapag umabot sa petsa ng expiration nito.
  • Ang bisa ng "Individual Number" ay panghabang-buhay.

📌Mga kailangang ihanda sa pagkuha ng "My Number Card"

  1. Dalawang dokumentong magpapatunay ng pagkakakilanlan (residence card, passport, driver's licence, atbp.) 
  2. Notification card o "hagaki" (kung mayroong dumating)
  3. Individual number notification card (kung mayroon)
  4. Juki card (kung mayroon)
  5. Inkan o Hanko (pantatak o seal)
  6. My Number Card (para sa card renewal, maliban kung nawala ang card)

👉Note:

  • Walang bayad ang unang pagkuha ng My Number Card.
  • Makakakuha ka lamang ng card sa munisipyo kung saan ka nakarehistro.
  • Mangyaring tandaan lamang na hindi ito maaaring kunin sa ibang tanggapan.
  • Maaring kumuha nito sa pamamagitan ng internet, koreo, o personal na pagpunta sa tanggapan ng Citizen's Affairs Division (Shiminka) ng munisipyo sa inyong lugar.


👩Mula sa may-akda:

     Ang susunod po nating tatalakayin ay ang tungkol sa "Maina points" (My number points). Ang mga points na ito ay ipinamimigay ng gobyerno sa kagustuhan nilang magkaroon ng my number card ang lahat ng mga mamamayan sa Japan, kung saan makakatanggap kayo nang halagang ¥20,000 points kapag kumuha ng My Number Card at iparehistro ito.
   Maraming salamat po sa inyong pagtangkilik sa blog ng HAPPY TALK INTERPRETING.  Kung sa palagay po ninyo ay nakatulong ito para maging dagdag kaalaman, ay paki LIKE, FOLLOW & SHARE naman po para ganahan naman ako sa paggawa ng mga ganitong free content para sa ating mga kababayang naninirahan dito sa Japan. Hanggang dito na po muna tayo, Good Luck👍And God Bless❗❗


Ate Nancy💖


 

Happy Talk Interpreting 













Lunes, Mayo 9, 2022

ANG SENIOR HIGH SCHOOL DITO SA JAPAN

 

Saan bang Senior High School dapat ipasok ang aking anak?

     Marahil ay marami sa  inyo ang may mga anak na pinag-aaral sa junior high school ang may ganitong katanungan dahil isa rin ito sa madalas naming matanggap na mga tanong dito sa Happy Talk Interpreting. Tatalakayin natin dito kung ano ang mga uri ng senior high school sa Japan.

    Pag-aralan natin kung ano ang iba't-ibang uri ng senior high dito sa Japan.

1) Elite Academic Senior High - Karamihan sa mga estudyante dito ay anak ng  mga  nasa alta sosyedad mayayaman at matatalino. Karamihan sa mga nagtapos dito ay nakakapasok sa mga national universities, katulad ng University of Tokyo, ang pinakaiginagalang na unibersidad dito sa bansang Japan. Karamihan sa mga ganitong paaralan ay nagbibigay sila ng 6 na taong kurikulum para sa paghahanda sa pagpasok sa kolehiyo. Sa madaling salita, mula sa junior high ay dito na sila nag-aaral. Ang mga mag-aaral dito ay maaaring awtomatikong makapasok sa mga pribadong unibersidad katulad ng Keio University. Ang mga ganitong paaralan ang nakakaakit ng marami sa mga pinakamahuhusay na mag-aaral. Sa mga metro- politan area, kung saan mas marami ang elite academic senior high, ay mas sikat ang mga private school kaysa sa mga public school na matataas ang ranggo. Ang mga magulang na may mataas na pinag-aralan ay nagnanais na maipasok ang kanilang mga anak sa ganitong uri ng private school pagka graduate ng kanilang mga anak sa elementarya pa lamang dahil ito ang mas madaling paraan upang maipasok ang kanilang mga anak sa isa sa mga pinakamahuhusay na unibersidad sa bansa sa pamamagitan ng tinatawag na "escalator system" kung saan hindi na kailangang dumaan pa sa college entrance examination upang makapasok sa mga kilalang unibersidad. Dahil dito pagkatapos ng elementarya ay kailangang makipagpaligsahan ng talino ang mga 12 anyos dahil may entrance exam silang dadaanan para makapasok dito. Sa kabilang banda, ang mga mabababang ranggo na mga private school ay may mahalagang papel sa pagtanggap ng mga estudyanteng hindi nakapasa sa entrance exam sa mga public senior high. Ang kurikulum sa academic senior high ay para maihanda ang mga estudyante sa college entrance exam. Sa mga papasok ng national universities ay kailangang 5 subject ang maipasa at 3 subject naman sa mga papasok ng private universities. Ilan sa mga  paaralang ito ang nagbibigay ng mga advanced classes para sa kanilang mga pinakakwalipikadong mag-aaral. Subalit karamihan sa mga academic senior high ay hindi masyadong mahigpit, sapagkat ang pagpasok sa mga mababang ranggo ng kolehiyo , junior college at vocational school ay hindi nangangailangan ng labis na pagsusumikap. Marami sa mga kolehiyo ang tumatanggap ng mga estudyante sa pamamagitan ng rekomendasyon ng paaralang pinanggalingan kung kaya't hindi na kailangang dumaan pa sa college entrance exam.

                           

2) Non-elite Academic senior High School - Ito ang pangkaniwang academic senior high dito sa Japan. Kaunti lamang sa mga estudyante rito ang nakakapasa sa mga prestihiyosong unibersidad kung ikukumpara sa mga estudyante ng elite academic senior high. Ang mga estudyante dito ay ang mga nagnanais na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral hanggang kolehiyo (2 year course / 4 year course). Ngunit sa katotohanan, mas marami ang porsiyento ng mga mag-aaral na napupunta sa mga vocational school na nagtuturo halimbawa ng bookkeping, lengwahe, at computer programming. Nakabase ang ranggo ng bawat paaralan batay sa porsiyento ng mga nakapagtapos at nakapasa sa mga prestihiyosong unibersidad ng bansa. Bagama't may kaunting porsiyento ng mga mag-aaral dito ang nagnanais nang makapagtrabaho pagkatapos ng graduation, karamihan sa mga mag-aaral dito ay kinabibilangan ng mga mag-aaral na nagpaplanong pumasok sa mga hindi makumpetensyang mga kolehiyo, junior college at vocational schools. Marami sa mabababang ranggo ng private academic senior high ang tumatanggap ng mga mag-aaral na bumagsak sa entrance exam sa public at vocational senior high. Ngunit may mga private senior high din na matataas ang ranggo. Ang matrikula sa mga private school ay karaniwang halos triple ang halaga kaysa public school. Ang matrikula sa public school ay tinatayang mahigit kumulang sa ¥460,000. Ang sa private school naman ay humigit kumulang sa ¥1,041,000.

                   

3) Vocational Senior High School - Ang karamihan sa mga pumapasok dito ay ang mga gusto nang makapagtrabaho pagkagraduate ng senior high. Ang iba naman ay nagpapatuloy sa kursong bokasyonal upang dalubhasain ang kanilang natutunan sa senior high. Ang mga mag-aaral ay makakapamili ng mga kurso batay sa gusto nilang maging hanap-buhay pagkatapos ng kanilang pag-aaral katulad halimbawa ng mga sumusunod:

  • Commerce - Nagtuturo ng mga kursong business, marketing, accounting at computer programming.
  • Technical Subjects - Nagtuturo ng mga kursong civil engineering, electrical engineering, mechanical engineering, information science, chemical engineering, programming at ceramics technology.
  • Agriculture - Nagtuturo ng mga kursong agronomy, animal husbundry, at biotechnology.
  • Homescience - Nagtuturo ng mga kursong fashion design, fashion business, japanese dressmaking, knitting/handicraft, atbp.
  • Nursing - Dito sa Gifu ay iisa lamang ang senior high na may nursing course. Kung mag-uumpisa ang pag-aaral ng nursing sa senior high ay 5 taong pag-aaral ang kailangang batahin ng mag-aaral. Kung pagkatapos ng academic senior high ay saka mag-aaral ng nursing ay 4 na taon naman sa kolehiyo.
  • Fishery - Pumapasok dito ang mga estudyanteng nais magkaroon ng natatanging kasanayan at kaalaman sa industriya ng pangisdaan dito sa Japan. 


4) Correspondence Senior High school - Ito ang tinatawag na online school. Dito ay nag-aalok sila ng flexible na pamamaraan ng pag-aaral para sa mga hindi nakapag-aral o nakapagtapos sa senior high sa anumang mga kadahilanan. Mayroon silang academic at vocational. Ang mga mag-aaral dito ay karaniwang sa bahay nag-aaral gamit ang internet. Ngunit kinakailangan pa rin nilang pumunta sa paralan para sa mga pagpapasa ng mga papeles para sa klase, group discussions, experiments, at mga praktikal na pagsasanay sa mga nakatakdang petsa. Ang ilan sa mga mag-aaral dito ay ang mga may kapansanan at ang mga may problema sa kalusugan kung kaya't hindi kayang pumasok araw-araw sa paaralan. Katulad din ng evening schools, ang karamihan sa mga mag-aaral dito ay mabababa ang academic grades, o di kaya ay nakaranas ng "School Refusal Syndrome" noong nasa junior high. Kasama din sa mga estudyante dito ang mga nasa hustong gulang na ninanais magkaroon ng diploma sa senior high o magkaroon ng mga kredensyal sa mga pagsasanay upang mapaunlad ang kanilang career. Maging ang mga retirado at mga maybahay na gustong matuto ng mga asignaturang pangakademiko o mga vocational training skills. Ang reputasyon ng mga online school, katulad din ng mga academic schools ay nakabase sa kung ilang porsiyento ng mga estudyante ang ipinagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo pagkatapos ng kanilang pag-aaral dito.




5) Evening Senior High School - Noon ang mga paaralang ganito ay para sa mga mahihirap na estudyanteng nagsisikap makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa gabi habang nagtatrabaho sa araw. Ngunit sa kasalukuyan karamihan ng mga estudyante dito ay ang mga estudyanteng walang hilig mag-aral o yong mga nabigong pumasa sa entrance exam sa mga senior high na pang-araw. Ang ilan naman sa kanila ay ang mga nakaranas ng "School Refusal Syndrome" na tinatawag sa panahon ng pag-aaral nila sa junior high. Ilan din sa populasyon ng mga paaralang ito ay ang mga refugee at ang mga anak ng mga dayuhang nahihirapan sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng kasanayan sa wikang Hapon. Sa paaralang ito ay 4 na taon ang pag-aaral. 



Placement Counseling
    Sa panahong nasa 3rd year pa lamang ng junior high ang mga mag-aaral ay mayroong tinatawag na "Placement Counceling" kung saan kinakapanayam ng homeroom teacher ang bawa't estudyante kasama ang kani-kanilang mga magulang upang pag-usapan kung saang senior high tugma ang bawat mag-aaral dahil ang homeroom teacher ang siyang nakakaalam sa interes ng bawat mag-aaral gayun din ang saloobin ng mga magulang. Batay sa mga pagsusuri sa marka ng mag-aaral sa mga pagsusulit mula sa midterms, final exams at practice exams ay inaanalisa ng homeroom teacher kung saang paaralan ang posibilidad na makapasa sa mga entrance exams ang kanilang mga estudyante. Isinasaayos ng mga guro ang mga mag-aaral ayon sa kanilang ranggo sa akademya, at iminumungkahi nila sa mga ito ang senior high kung saan mataas ang kanilang posibilidad na makapasa sa entrance exams. Sa pagkakataon ding ito ay malinaw na nakikita ng mga mag-aaral ang posibilidad na makapasa batay sa kanilang pangakademikong posisyon. Karaniwan na ang pagkuha ng entrance exam ng mga mag-aaral sa dalawa o tatlong paaralan upang makasigurong makapasok sa senior high. Ang problema sa sistemang ito, ay ang mga mag-aaral ay pinagbubukod-bukod lamang ayon sa kanilang academic achievements,  at hindi ayon sa kanilang plano sa buhay sa hinaharap. Kung kaya ang mga nasa 3rd year ng junior high ay seryoso sa kanilang mga pag-aaral upang makapasok sa kanilang unang piniling senior high na gustong pasukan. Tinutulungan ang mga mag-aaral ng kanilang mga magulang na maghanda para sa entrance exams sa pamamagitan ng pagpasok sa kanila sa mga cram schools (juku), at tinitiyak din nilang mayroong tahimik na lugar sa kanilang tahanan upang magkaroon ng konsentrasyon sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Tinatayang 2 sa 3 mag-aaral ang may sariling silid-aralan sa kanilang mga tahanan. 



Juku (cram school)

     Ang juku ay mga pribadong organisasyong pang-edukasyon. Ang terminong juku ay karaniwang isinasalin bilang "cram school." Maraming malalaking juku, na naghahanda sa mga mag-aaral para sa entrance exams sa senior high at kolehiyo, ang mga ito ay tinatawag na "shingaku juku" (cram school para sa entrance exam), at "yobiko" naman ang tawag sa mga preparatory cram school para sa mga college examination. Sila ay gumagamit ng mga gurong part-time at full-time. Gayunpaman karamihan sa mga juku ay mga tutorial classes lamang na itinuturo ng mga retiradong guro o mga maybahay sa kanilang mga tahanan nang ilang beses sa isang linggo sa hapon pagkatapos ng eskwela o di kaya ay sa gabi. Halos karamihan sa mga mag-aaral sa junior high ay pumapasok sa juku upang repasuhin ang kanilang mga academic subjects at upang mapabuti ang kanilang school performance. Ilan sa mga mag-aaral ang nagpupunta lamang sa juku para makihalubilo, ang iba namang magulang ay pinipilit ang kanilang mga anak na pumasok sa juku sa paniniwalang nakakatulong ito sa kanilang anak para mapabuti ang kanilang performance sa paaralan at tumaas ang tsansa na makapasa sa entrance exam ng paaralang nais nilang pasukan. Sa kabilang dako naman ay may mga magulang na naniniwalang sobra-sobra na ang skedyul at nabibigatan na ang kanilang mga anak. Gayunpaman, itinutulak pa rin nila ang kanilang mga anak sa juku sa layuning makasabay sa mga kaklase nilang pumapasok sa juku, hindi alintana sa kanila ang pagbabayad sa juku na may kamahalan ang matrikula.      

     Pinupuna ng mga guro ang juku dahil sa mas seryosong pag-aaral ng mga estudyante sa juku kaysa sa paaralan. Karamihan ng mga mag-aaral sa juku ay iniisip na mas masigasig sa pagtuturo ang mga guro sa juku kaysa sa mga guro sa paaralan. Sinisisi din ang juku sa pag-okupa ng malaking bahagi ng oras ng mga estudyante na dapat sana ay sa kanilang sariling tahanan na gugulin. Sa mga metropolitan area naman ay mas kilala ang mga tutors at online classes,  lalo sa malalaking lungsod. Kadalasan ay mga estudyante sa kolehiyo ang mga nagtuturo ng mga academic subjects. Ngunit mayroon din namang mga estudyante na nagsisikap mag-aral mag-isa sa kanilang mga tahanan.




Paghahanap ng trabaho ng mga nakapagtapos ng Senior High School

     Karamihan sa mga nasa senior high na naghahanap ng trabaho ay gumagamit ng "school Referral System" upang makahanap ng trabaho sa kanilang komunidad, habang ang iba naman ay gumagamit ng kanilang personal networks. Ang mga guro sa vocational high school ay tumutulong sa mga mag-aaral na makahanap ng maayos na trabaho sa mga lokal na kumpanya. Ang mga employer at ang mga paaralan ay nagtutulungan upang ihanap ng maayos at angkop na trabaho ang mga magtatapos ng senior high. Halos karamihan sa gumagamit ng sistemang ito ay nagtatagumpay sa paghahanap ng trabaho. Sa ilalim ng school referral system, ang mga employer na nangangailangan ng mga empleyadong nagtapos sa senior high ay nagsusumite ng recruitment card na nagsasaad ng pangalan ng kumpanya, paglalarawan ng uri ng trabaho, at mga kundisyon sa pagtatrabaho, kabilang na dito ang sahod at mga benepisyo. Ang card na ito ay dumadaan muna sa Public Employment Security Office upang maaprubahan, at saka ipinadadala sa mga paaralan para magamit sa school referral system. Isa sa pinakamahalagang pamantayang itinuturing ng mga employer ay ang academic achievements ng aplikante. Ninanais ng mga employer na makakuha ng mga empleyadong nakapagtapos sa senior high na may mataas na ranggo at may magagandang marka sa academic subjects. Halos karamihan sa mga senior high vocational schools ay may sariling job placement center, kung saan may mga nakatalagang guro na tumutulong sa mga estudyante sa paghahanap ng trabaho habang sila ay nag-aaral pa upang pagkatapos ng kanilang mga pag-aaral ay mayroon na kaagad nakalaang trabaho na kanilang papasukan.

     Sa pasukan, buwan ng Abril pa lamang ang mga 1st year sa senior high ay binibigyan na ng paaralan ng mga impormasyon tungkol sa mga trabaho at mga pamamaraan sa job placement center ang mga mag-aaral. Sa mga pagkakataong ito ay pumipili na ang mga estudyante ng ilang kumpanya na nais nilang pasukan, sa pamamagitan ng mga recruitment card mula sa mga kumpanya, at ikinukunsulta nila ito sa kanilang homeroom teacher, mga magulang, at mga kaibigan. 

     Pagdating ng 2rd year, ang mga guro sa placement center ng paaralan, mga homeroom teacher, at ang dean ay magpapasya kung aling kumpanya ang pinakaangkop para sa kung aling mga mag-aaral, batay sa preperensya ng mga mag-aaral, mga academic achievements, mga extracurricular activities, kalooban ng mga magulang, at family background. kung maraming mag-aaral ang nagnanais makapasok sa isang kumpanya ay ginagamit nila ang academic achievements bilang pangunahing pamantayan upang makapagpasya kung sino sa mga mag-aaral ang makakapasok sa kanilang pangunahing piniling kumpanya. Matapos maisaayos ang mga estudyante sa kani-kanilang angkop na kumpanya ay tinuturuan ng mga guro sa job placement center ang mga estudyante kung papaano kumuha ng mga recruitment exams, at inihahanda sila sa mga job interviews. 

     Pagdating ng 3rd year, buwan ng Setyembre, ang mga mag-aaral ay kumukuha na ng mga recruitment exams sa mga kumpanyang pinili ng kanilang paaralan para sa kanila. Tinutulungan ng mga guro sa job placement center ang mga mag-aaral na hindi pumasa o hindi nakakuha ng trabaho hanggang sa buwan ng katapusan ng Mayo, 2 buwan makalipas ang graduation. Subalit, pagkatapos ng mga pagkakataong ito, ang mga paaralan ay hindi na maaaring tumulong pa sa mga mag-aaral na hindi pa rin nakakakita ng trabaho. 




Sa mga Magulang

     Kung ako ang tatanungin, mas mabuting pagsikapan ninyong mapag-aral ang inyong mga anak sa senior dahil mas malaki ang tsansa ng mga nakapagtapos sa senior high na makakita ng maayos na uri ng trabaho kaysa sa mga nakapagtapos ng junior high school lamang. At syempre mas mabuti kung maitataguyod ninyo ang pag-aaral ng inyong mga anak hanggang sa kolehiyo.

      Maraming salamat po sa inyong pagtangkilik sa aming blog ng Happy Talk Interpreting. Marami pa po kaming gustong ibahaging mga kaalamang maaaring makatulong sa inyong pamumuhay dito sa Japan. Kung mayroon po kayong mga katanungan ay mangyaring mag-iwan lang po kayo ng mensahe sa ibaba ng blog na ito upang sa mga susunod na pagkakataon ay muling matalakay natin dito. 


Happy Talk Interpreting

     




 

Biyernes, Abril 29, 2022

Paano ba magpa-aral ng bata sa Japan?



  <script async src="https://pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js?client=ca-pub-3031320731448339"

     crossorigin="anonymous"></script>





Sistema ng Edukasyon dito sa bansang Japan

 

   Marami kaming natatanggap na mga katanungan dito sa Happy Talk Interpreting mula sa mga magulang na may mga pinag-aaral na anak dito sa Japan. At sa layunin naming masagot lahat ng inyong nais malaman ay minabuti naming ipaliwanag sa blog na ito kaysa isa-isa naming sasagutin ang inyong mga katanungan.

   Ang kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Japan ay binubuo ng 6 na taon sa elementarya, 3 taon sa junior high, 3 taon sa senior high, at 4 na taon sa kolehiyo. Nag-uumpisa ang pasukan sa buwan ng Abril at natatapos sa susunod na taon sa buwan ng Marso. Bago pumasok sa Elementarya ang mga bata, karamihan ay pumapasok muna sa kindergarten (yochien) o di kaya ay sa nursery school (hoikuen).


Ano ang tinatawag na Nursery School (Hoikuen)

   Ang nursery school ay isang uri ng daycare center na nakatalaga upang alagaan ang maliit na bata habang nasa trabaho ang magulang o di kaya ay may sakit. Ang mga edad ng bata na tinatanggap at ang haba ng oras ay depende sa nursery school na papasukan. Ang pangkaraniwan oras ay hanggang 8 oras. Mayroon ding mga daycare center na bukas sa gabi at sa araw ng mga pista opisyal. Ang bayad ay depende sa kinikita ng buong sambahayan. Ibig sabihin, kung mababa lang ang sahod ninyo ay mura ang bayad, kung mataas ay mahal ang inyong babayaran. Karamihan sa mga nursery school ay walang school bus, kaya kailangan ninyong ihatid-sundo ang inyong anak.

   Kung nais ninyong ipasok ang inyong anak ay maaari kayong direktang pumunta sa  nursery school na malapit sa inyo. Para sa iba pang mga impormasyon ay mangyaring makipag-ugnayan sa Childcare Division ( Kodomo Hoiku-ka) ng City Hall sa inyong lugar.




 

Ano ang tinatawag na Kindergarten (Yochien)

Sa kindergarten ay tinatanggap ang mga bata magmula sa 3 taong gulang hanggang sa magsimulang pumasok sa elementarya. Karaniwang 4 na oras lamang ang ilalagi ng bata sa kindergarten, ngunit mayroong mga kindergarten na pumapayag na habaan ang oras para sa mga magulang na nagtatrabaho. Karamihan sa mga kindergarten ay may mga school bus, kaya kailangang nasa bahay na kayo bago dumating ang school bus upang hindi sila maghintay. Kung nais ninyong ipasok ang anak ninyo sa kindergarten ay direktang pumunta at magtanong sa kindergarten na malapit sa inyo.

   Mayroong mga lungsod na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga magulang na may mga anak na pumapasok sa kindergarten upang hangga’t maaari ay magpatuloy silang pumasok dito hanggang sa dumating ang panahon ng pagpasok sa elementarya dahil sa kakulangan ng mga daycare centers. Para sa mga karagdagang impormasyon ay makipag-ugnayan sa City Education Policy Division (Shiyaku-sho Kyoiku Seisaku-ka) sa inyong lugar.




Compulsory Education

Ang lahat ng mga magulang at mga tagapag-alaga ng mga batang Hapones ay obligadong papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan magmula elementarya hanggang junior high. Ang mga batang dayuhan ay hindi obligadong pumasok, ngunit maaari silang tanggapin sa mga elementarya at junior high kung nais ninyo silang pag-aralin dito sa Japan.

Taon-taon, ang Board of Education ay nagpapadala ng abiso sa mga magulang ng mga batang dayuhan na nasa tamang edad na para pumasok sa paaralan. Subalit  may mga pagkakataong may mga ilang hindi nakakarating ang abiso sa kanila. Sa mga nagnanais pag-aralin ang inyong mga anak dito ay maaari kayong makipag-ugnayan sa School Guidance Division ng Board of Education (Gakko Shido-ka) sa inyong lugar.

Sa mga papasok ng elementarya, padadalhan kayo ng abiso tungkol sa health checkup ng inyong anak na isinasagawa sa paaralan tuwing buwan ng Oktubre upang matiyak na masiglang makapasok sa paaralan ang bawat mag-aaral. Ang abisong ito ay matatanggap ninyo bandang unang linggo ng buwan ng Setyembre.

Kung sakali mang hindi kayo makakapunta dahil sa anumang mga kadahilanan, ay ipaalam ito sa paaralang nagpadala sa inyo ng abiso at maghanap ng ibang paaralan na naaayon sa petsang maaari ninyong puntahan para sa health checkup ng inyong anak at humingi ng pahintulot sa kanila bago kayo pumunta. Kaya hangga’t maaari para walang anumang maging problema ay sikapin ninyong makatugon sa petsang ibinigay ng paaralang papasukan ng inyong anak. Ang mga petsa ng mga health checkup sa mga paaralan ay maaari ninyong malaman sa paaralang papasukan ng inyong anak. Tandaan lamang po na hindi maaaring hindi dumaan ng health checkup ang inyong anak bago magpasukan.

Makakatanggap kayo ng Admission Notice Postcard pagpasok ng buwan ng Pebrero, na syang katunayan na makakapasok ang inyong anak sa nasabing paaralan. Ang Admission Notice na ito ay kailangan ninyong ipasa sa paaralan sa araw ng enrollment, kaya itago at huwag kalimutang dalhin ito sa araw ng enrollment.



Sa mga lilipat ng ibang paaralan bago dumating ang enrollment

Sa mga papasok o palabas ng lungsod na inyong tinitirahan sa kasalukuyan bago dumating ang araw ng enrollment ay siguraduhin lamang na ipagbigay-alam ito sa paaralang tumanggap sa resulta ng health checkup ng inyong anak upang maipasa ito sa paaralang nilipatan. Kung kayo ay maglilipat matapos nyong matanggap ang admission notice postcard ay muli kayong padadalhan ng admission notice pagkatapos ninyong maiparehistro sa lugar na inyong nilipatan ang inyong bagong tirahan. Kung ang ginawa ninyong paglilipat ay natapat sa spring holidays (haru yasumi) at ilang araw na lang ang pagitan sa araw ng enrollment ay kumuha kayo ng kopya ng Notice of Resident Transfer sa Citizen’s Division (Shimin-ka) sa lugar na inyong nilipatan o di kaya sa pagpasa mo ng resident card transfer. Ipasa ang kopyang ito sa Safety Support Division (Gakko Anzen Shien-ka) sa paaralang lilipatan nang sa gayon ay mabigyan kayo ng admission notice ora mismo.


                              Elementarya (Shogakko)

Ang pagpapa-aral ng bata dito sa Japan ay hindi gawang biro. Kahit na sabihin pa nating ang tinatawag na Compulsory Education, mula elementary (shogakko) hanggang junior high school (Chugakko) ay libre ang entrance fee, matrikula, at maging ang mga textbooks. Ang kailangan lamang bayaran ay ang pagkain sa tanghalian (kyushoku), PE uniform (taisofuku), room shoes (uwabaki), school bag (randoseru), mga gamit sa school projects, at field trips. Halos karamihan sa mga public schools sa elementarya maliban sa PE uniform ay walang uniform sa pagpasok sa eskwela.




Junior High School (Chugakko)

 Ang dapat ninyong paghandaan ay ang pagpasok sa junior high. Para hindi sumakit ang ulo ninyo pagdating ng pasukan ay dapat lamang na hangga’t nasa mababang paaralan pa lamang ang inyong mga anak ay pag-ipunan na at paghandaan ang para sa pagpasok sa Junior High, kung bakit? Dahil sa enrollment pa lamang ay kakailanganin na ninyo ang mahigit kumulang sa ¥100,000, kasama na ang pangwinter at pangsummer na school uniform, school bag, PE uniform na pang winter at pang summer, atbpa. At kung malayo kayo sa school at kinakailangang bisekletahin ay kailangan ninyong bumili ng naaayon sa pinapayagang modelo ng bisekleta at helmet ng papasukang paaralan. Sa iba pang mga impormasyon ay makipag-ugnayan sa School guidance Division (Kyoiku Iinkai Gakko Shido-ka) ng paaralang nais pasukan.

Isa sa paraan upang makaipon ng pera sa pag-aaral ng mga bata ay ang pag-iimpok ng child allowance na ibinibigay ng gobyerno sa mga bata. Maari nyo itong itime deposit para hindi basta-bastang mawithdraw. Ito ay suggestion lamang, ngunit epektibo. Pag-isipan nyo rin po ang insurance.




Private Schools

Mayroon ding mga private schools na maaaring pasukan ng inyong mga anak. Ngunit kailangan ninyong isaisip na dahil private ay mas malaki ang gastusin dito. Kailangan ding dumaan at makapasa sa mga pagsusulit ang mga batang nais pumasok dito. Para sa iba pang mga impormasyon ay mangyaring makipag-ugnayan lamang sa Prefectural Education Promotion Division (Shigaku Shinko / Seishonen-ka) sa inyong Prepektura o di kaya ay sa private school na nais pasukan ng inyong.

 

School Councelors

Sari-saring mga problema ang kinakaharap ng mga estudyante at ng mga magulang sa paaralan maging sa kanilang mga tahanan na maaaring makaapekto sa pag-aaral ng mga bata kapag hindi naagapan. Sa mga kadahilanang ito ay mayroong mga dalubhasang tagapayo o counselor sa bawat paaralan ng mga junior high. Ang mga tagapayong ito ay mga clinical psychologist na maaaring hingan ng payo ng mga estudyante kasama ang magulang ukol sa mga problema.



 

Tawagin nyo na lamang po akong ate Nancy. Isa po akong freelance medical interpreter at translator. 34 years na po ako dito sa Japan. Nais ko pong ibahagi sa ating mga kababayan ang mga mahahalagang bagay na natutunan ko sa pamumuhay ko dito Japan, kasama ang aking buong sambahayan.

Kung mayroon po kayong nais malaman na hindi nabanggit sa artikulong ito ay magcomment lang po kayo sa ibaba ng blog na ito sa comment section upang matalakay natin. Ang susunod po nating tatalakayin dito ay ang tungkol sa Senior High School at mga Vocational Courses na maaaring magbigay sa inyo ng ideya kung ano ang nababagay sa anak ninyo o kung ano ang nais pag-aralan ng inyong mga anak.

Bago ko po makalimutan ay nais ko pong ipaalala sa inyo na kami dito sa Happy Talk virtual Interpreting ay maaaring makatulong sa inyo sa mga problema ninyo pagdating sa pakikipag-ugnayan sa wikang Hapones, sa anumang pagkakataon, oras o lugar gamit ang inyong cellphone sa mababang halaga lamang.

Hanggang dito na lang po muna tayo at maraming salamat po. Nawa po magsilbing gabay ito sa ating mga kababayang nagnanais pag-aralin ang kanilang mga anak dito sa bansang Japan. Ang mga impormasyon pong nakasaad dito ay batay po sa mga ginawang pagsasaliksik at mga naging karanasan ko sa pagpapa-aral ng 2 kong anak dito sa Japan.

 

Happy Talk Virtual Interpreting


<script async src="https://pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js?client=ca-pub-3031320731448339"

     crossorigin="anonymous"></script>




MY NUMBER!! Bakit kailangan natin ito?

Ano ang my "number card System"   📌Una sa lahat ano nga ba ang my number? Ito ay ang 12-digit Social security and Tax Number (tin...